An open letter entitled "LIHAM NG ISANG SUNDALO SA LAHAT NG NAIS IBASURA ANG ANTI-TERROR BILL" went viral on Facebook just recently. An open letter which was written by someone who classified himself as an "ordinary soldier" was posted in the Facebook page "Hugot Sundalo" yesterday, and it is now going viral due to its heartbreaking message.
Ako’y hamak na sundalo lamang na nais maglingkod sa bayan. Binubuwis ang buhay para makamit ang kapayapan na alam naming kailanman hindi natin makukuha hanggat may mga taong nagmamanipula at gumagamit sa murang kaisipan ng mga kabataan. Marami nang pinagdaanan ang Pilipinas sa kamay ng mga terorista ngunit hindi ito ramdam sa gawing Luzon kundi sa Visayas at Mindanao lamang. Baka nakalimutan na natin ang Zamboanga siege, Marawi siege, ang mga pambobomba sa simbahan at sa davao, ang Mamasapano Massacre kung saan namatay ang 44 na SAF at ang 11 sundalo na pinatay sa gitna ng paglilingkod sa kabila ng COVID. Nakakalungkot isipin na mga tiga-Luzon na hindi naman nakaranas ng pananamantala at pang-aabuso ng mga terorista ang lakas-loob na lumalaban sa batas na ito. Nakakatawa na lang isipin na sinisigaw ninyo na minamahal nyo ang bansang Pilipinas ngunit hindi ninyo sinasaalang-ala ang buhay ng mga kapatid ninyo sa Mindanao na pangunahing apektado sa kamay ng mga terorista. Sabagay, hindi nga naman ninyo alam yung hirap, dahil naninirahan kayo sa magagarang tahanan, nakakatulog kayo ng mahimbing at nakakasama ninyo ang inyong pamilya ng matiwasay. Sinasabi siguro ng karamihan na sundalo ang pinasok namin kaya wag kami magreklamo kung nakikipaglaban ngunit alam naman nating lahat na walang pera o propesyon ang makakatumbas sa buhay ng isang tao. Ang aming pinanghahawakan na lamang ay kung mamatay man, mamamatay kaming nakikipaglaban para sa kapayapaan ng mga lugar na aming nasasakupan; mamamatay kami ng mayroong dignidad, malinis na konsensya at may totoong pagmamahal sa bayang Pilipinas.
Walang may alam sa inyo ng mga gabing halos wala kaming tulog habang kayo ay naghihilik; hindi ninyo alam yung sakit na hindi kami makauwi sa mahahalagang okasyon habang kayo ay masayang nagtitipon-tipon; hindi ninyo alam kung ano ang pakiramdam na malagasan ng kasamahan habang kayo ay malayang nakakasigaw; wala kayong alam sa lahat ng sakripisyon ng libu-libong sundalo na nauna na sa amin para lamang mailigtas ang kapwa natin Pilipino laban sa terorismo. Kaya ito lang ang panawagan ko kung nais mong ibasura ang bill nato: Pauwiin ninyo na kami. AT KAYO NA LANG ANG PUMALIT SA AMIN. Minsan naiisip ko na sana kayo na lang, kayo na lang sana ang ilang araw na hindi natutulog para lang maprotektahan ang mga mamamayan; kayo na lang sana ang humihiga sa basa at malamig na damuhan habang umuulan; sana kayo na lang ang hindi nakakasaksi ng panganganak ng inyong kabiyak; sana kayo na lang yung hindi makauwi kahit na nasa bingit na ng kamatayan ang inyong kapamilya; sana kayo na lang ang walang awang pinapatay, niyuyurakan at binabalasubas ng mga terorista; kayo na lang sana ang namanatay kahit hindi nasisilayan ang mga anak; kayo na lang sana yung nilalamayan at iuuwi sa pamilya ng bangkay na. Kayo na lang sana.
DAHIL HANGGA’T HINDI NINYO NARARANASAN ITO, HUWAG NINYONG SABIHING MAY ALAM KAYO SA TERORISMO. #YesToAntiTerrorBill Palawakin natin ang panawagan para suportahan ang Anti-Terror Bill! *ctto #HugotSundalo
0 Comments